Pagtatampok sa PWD, IP isinulong sa Palihang Pangwika ng KAMFIL
Date Posted: Aug. 27, 2025
Bilang pagdiriwang ng Buwan ng Wika na may temang "Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa", ang Kapisanan ng mga Mag-aaral sa Filipino (KAMFIL) sa Limay Polytechnic College ay nagdaos ng Palihang Pangwika na ginanap sa silid awdyo-biswal, Agosto 22.
Ang palihan ay binubuo ng dalawang paunang sesyon na tumalakay sa kahalagahan ng pagtataguyod ng Filipino sign language para sa mga kapwang may kapansanan hinggil sa pagsasalita at pakikinig at wikang katutubo ng mga Indigenous Peoples Group.
Naging panauhing tagapagsalita ang kilalang tagapagtaguyod ng paggamit ng 'sign language' na si Dr. Jennifer Dominguez, bihasa sa wikang Filipino at punongguro sa Justice Emilio Angeles Gangayco Memorial High School para sa paksang "Gampanin ng Filipino Sign Language sa Pagbabago ng Klima" na kung saan ay tinuruan nya ng wastong gamit ng sign language ang mga partisipant ng seminar.
Sumunod naman para sa ikalawang sesyon ay nagpaunlak si G. Ivan Gail Yarra, puno ng Kinaragan Integrated School at naging tagapagtaguyod ng mga katutubong Ayta Magbukun sa mahabang panahon at bahagi ng kaniyang abokasiya ay ang pagpapalaganap pagpreserba at pagpapaunlad ng kanilang wikang katutubo. Binigyang diin nya ang paksang "Ang Pangangalaga sa Katutubong Wika at Kaalaman bilang Pangangalaga sa Kalikasan".
Kapwa binigyang diin ng dalawang panauhing tagapagsalita ang pagpapahalaga, pagkilala at paggalang sa mga kapatid nating kabahagi ng naturang mga sektor ng lipunan, gayundin ang kanilang gamiting wika bilang bahagi ng kanilang pamumuhay at katauhan.
Ang nasaksihang gawain ay ang unang dalawang bahagi ng Palihang Pangwika para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Ang susunod naman ay ang pagpapamalas ng wikang pangkasarian para sa LGBTQ at wika ng pamamahayag para sa mga mamamahayag at yaong gumagamit ng sosyal midya sa pagpapahayag ng saloobin at damdamin at paghahatid ng impormasyon. Ang mga ito ay inihanda at iniugnay ng KAMFIL sa paggabay ni G. Joshua Rogador.
Nagpaunlak din ng kanilang mga mensaheng pagtanggap at pangwakas sina Gng. April Cruz, puno ng Departamento ng Edukasyong Pangguro at G. Rogador. #
Larawang kuha mula sa Lampara at LPC KamFil
#SDG4QualityEducation
#SDG5GenderEquality